Linggo, Pebrero 20, 2011

Ang Talambuhay ni Rodney E. Alcantara


ito ang larawan ng js ko
            Ako si Rodney E. Alcantara, taga San Mateo San Pablo City, magulang ko sina Dolores at Romeo Alcantara. Kapatid ko naman sina Roderick, Rhina, Ramil at Rodel. Isang taong gulang pa lamang ako nang mamatay ang aking ama kaya't lumaki ako at nagkaisip ng walang nakagisnang ama kung kaya't may kaunti akong nadaramang pagkainggit sa ibang kabataan ng may ama. Ngunit ngayon pa man maswerte pa rin ako sapagkat may isang nagmamahal at tumatayong ama at ina sa aming magkakapatid.

            Bago pa lamang akong pumasok sa elementarya ay nag-asawa na agad ang panganay inaming kapatid na inaasahan ng aking ina na tutulong at magtataguyod din samin kaya't napilitan ang aking ina na patirahin si ate sa Maynila sa kaniyang matatalik na kaibigan at doon mag-aral. Dumating naman ang araw na iyon na nakatapos si ate ng college at makapagtrabaho. Kahit papano ay naging maayos ang buhay namin noon. Hanggang sa magpasya na ang ate ko na umuwi na at dito magtrabaho sa Laguna.

            Sa awa naman ng Diyos ay agad si ate nakahanap ng trabaho. Doon ay nakitaan agad si ate ng sipag at tiyaga kung kaya't naging isa siyang line leader, gayun pa man may mga panahon pa rin na kinukulang kami at nagigipit din. Kaya't may mga panahong kinakailangan din ng aking ina ang mangutang sa iba para lamang may maipambili kami ng pagkain sa pang-araw araw. Nakita ko ng mga panahong iyon na nahihirapan at nasasaktan din ang aking ina hindi man niya sabihin pero nararamdaman ko. Meron kasing mga taong kamag-anak at kadugo mo na pero pinagdadamutan at hinahamak pa ang aking ina. Nang mga panahong iyon nakikita ko ang nanay kong umiiyak, gusto ko siyang damayan pero hindi ko alam kung paano sapagkat isa lamang akong bata na hindi pa alam kung papaano makikisabak sa problemang aming dinaranas.

             Minsan nga naikwento ng ilang tao sa amin na ang nanay ko sinabihan ng pinsan kong "Mama, nandito si tiya mangungutang na naman ng bigas". Masakit para sa aking ina na ultimong pamangkin niya at pinsan ko pa na sasabihan siya ng ganon. Masakit para sa nanay ko pati pamangkin niya ay pagdadamutan siya at parang pupunta lang sa kanila para mangutang. Nasasaktan ako na nasasaktan ang damdamin ng aking ina ngunit wala akong magawa.

             Pero ganun pa man tuloy pa rin ang buhay, may mga panahon naman na masaya kami. Tuwing linggo nasimba kami ni nanay,ni ate at ako. Pagkatapos nun pupunta kaming jollibee upang doon kumain, isang simpleng araw pero puno ng kasiyahan at galak ang aking damdamin. Kahit paano nawawala ang kalungkutang nadarama ng aking ina. Sa problema at pangambang pag-uwi sa bahay at haharapin na naman ang problema.

             Dumating na ang araw ng aking pinakahihintay,ang makagraduate ng elementarya, hindi man iparamdam ng aking ina na masaya siya sa akin pero alam ko sa sarili ko na proud siya na nkatapos na ako ng elementarya.

             Nang maghayskul ako ay marami akong nakasalamuhang tao, marami akong naging kaibigan at marami din namang nagagalit dahil dala lang siguro ng pagkamurang kaisipan ko pa ng mga panahong iyon. Naging masaya ang unang taon ko sa hayskul dahil punong-puno ito ng kulay at hindi malilimutang pangyayari. Nandon ang magkacrush ako, kiligin at mainlove kahit alam kong hindi pa naman dapat.

             Nang magsekondarya ako ay laking gulat ko dahil naging 2-A ako, hindi ko alam kung bakit at papaano nangyari iyon,hindi naman ako matalino para maging 2-A pero ganun pa man naging masaya pa din ako dahil nakasama ko ang mga dati kong kaklase nung elementarya pa lang kami. Higit sa lahat naging kaklase ko rin si Niko, ang aking crush simula nung firstyear kami. Oo si nico nga! Nang mga panahong iyon at ngayon ay may nililihim na ko sa ibang yao at maging sa aking pamilya na ako ay isang may pusong babae. gayun pa man masaya pa rin ako nanaging ganito ako kesa naging tunay ngang lalaki pero wala namang silbi at pabigat sa pamilya. noong mga panahon kasing iyon ay masipag ako sa gawaing bahay kahit papaano naglilinis ako ng aming tahanan, naghuhugas ng pinggan at naglalaba ng aking uniporme sa aking paaralan.

             Isang kinaumagahan na ako ay papasok na, ginising ko ang aking nanay upang magpaalam na,gumising siya ngunit hindi ko mawari at may pagtataka akong naramdaman sapagkat hindi niya minulat ang kaniyang mga mata. Gayun pa man nagpaalam pa rin ako sa aking ina at humalik.

             Pagdating ko sa paaral, normal naman ang lahat para sa akin. Dumating ang mga guro na nagtuturo sa amin hanggang sa magtanghalian na, kumain kami ng aking mga kaibigan sa canteen at pagkatapos nun pumunta kaming videokehan para kumanta at magkatuwaan, ngunit hindi pa man ako nakakanta  ay biglang  dumating si Niko at sinabing may naghahanap daw sakin, at ang sabi niya ay ang aking ate daw, ngunit nagtaka ako sapagkat hindi naman alam ni ate ang paaralan ko at may trabaho siya ng araw na iyon, ngunit gayun pa man pumunta pa rin ako sa paaralan namin at tiningnan kung si ate nga. Pagdating sa paaralan ay si Ninang Mara pala, sinusundo niya ako, noong una ay ayaw pa niyang sabihin ang dahilan ngunit dahil sa mapilit ako at makulit, sinabi niyang ang aking nanay daw ay wala na ngunit saan siya pumunta ? tanong ko sa ninang ko, buong akala ko'y pumunta lang sa Maynila sa aming mga kaibigan doon ngunit nang sabihin niyang wala na si nanay mo, patay na, inatake sa puso. doon na ako simulang kabahan at mapaiyak hindi ko alam kung anong gagawin ko ng mga oras na iyon, dali dali kaming umuwi at habang nasa dyip ako ay panay ang aking dasal, na sana'y hindi totoong patay na si nanay, na sana'y maayos lang siya.

              Pagdating ko sa bahay ay agad akong niyakap ng aking lola at umiyak siya ng husto, ngunit hindi pa man ako siguradong wala na ang nanay ko ay umiyak na rin ako ng umiyak, at pagdating ng hapon dumating na si ate at umiyak din ng malaman na patay na si nanay. Dumating na ang aking kinatatakutan, wala na, wala na talaga ang aking ina. Habang pinapasok sa bahay namin ang aking ina na nasa loob ng kabaong ay siya ring pagtulo ng aking luha, pagdaramdam at pagkadarama ng sobrang kalungkutan at sobrang sama ng loob dahil sa dinami dami ng taong masama sa mundo ay ang aking ina pa ang agad na nawala at natatanging ina na naging ama na rin para sa sakin simula ng mamatay ang aking ama.

            Matapos mailibing ang aking ina ay siya ring pagkawala na ng aking tiwala sa sarili,pagkawala ng aking naging inspirasyon para makatapos ng pag-aaral at makamit ang aking tagumpay at pangarap sa buhay. gayun pa man kailangan ko pa ring lakasan ang aking kalooban dahil wala ng magtatanggol at gagabay sa aking kamuwangan.nanatili pa rin akong matatag kahit na nawala naang aking ina. Masakit man para sa akin pero kailangan kung  ipagpatuloy ang wala ko ng saysay na buhay.
 
            Simula rin ng mawala ang nanay ko ay halos lahat ng gawain sa bahay ay sa akin na rin napunta, sapagkat ng mga panahong iyon ay may asawa na si kuya Roderick at kuya Ramil. Samantalang si kuya Rodel naman ay kasalikuyang nasa Maynila at si ate naman ang nagtatrabaho at kasama ko lang sa bahay. Sa tuwing papasok si ate ay kailangan ko siyang isakay sa dyip tulad ng ginagawa ng aking nanay nung nabubuhay pa siya. Ako rin ang naglalaba at namamalantsa ng uniporme ni ate at ng iba pa naming damit. Ako rin ang nagluluto at naghahain, pati na rin ang paghuhgas ng pinggan.

            Sakin man lahat ang gawain sa bahay ay nalagpasan ko pa rin ang pagsubok, at ang nakatapos ng sekondarya. Ngunit ng dumating ako sa ikatlong baitang ng hayskul hindi ko akalain sa aking sarili na mapapagod din pala ako sa pag-aaral. Natuto akong magcutting classes,lumiban sa paaralan at higit sa lahat na isinumpa kong hindi ko kailan man gagawin ang pag-inom ng alak. Nang mga panahong iyon hindi na naging importante sa akin ang mag-aral dahil pakiramdam ko'y wala ng saysay pa. Wala na ang aking ina na bibigyan ko ng magandang buhay pag nakatapos at makapagtrabaho.

           Nang malaman ni ate yun, ay wala siyang naging reaksyon ngunit naging third year ulet ako dahil lahat ng subject ko ay failed at doon nga ay nagtransfer ako sa Dizon High, ngunit hindi pa rin pala ako magtitino dahil  napabarkada pa rin ako, imbis na mag-aral ako at magtino ay panay cutting, paggagala at pag-iinom pa rin ang aking inatupag.

             Kaya't ang nangyari ay bumagsak na naman ako at failed sa lahat ng subject kaya't nagdesisyon akong tumigil na. Hindi mab sabihin ni ate pero alam kong masama ang loob niya sa ginawa kong pagkakamali.

             Nang mapatigil ako at lagi lamang nasa bahay ay napag-isip isip kong mahirap palang maging tambay lamang. Sa tuing may nakikita akong mga estudyante ay may inggit akong nadarama at may halong panghihinayang kaya't ng mga panahong iyon hindi man ako siguradong bibigyan pa ng pagkakataon, sinabi ko pa rin sa aking ate na papasok ulit ako at muling mag-aaral. Hindi ako nabigo, pinag-aral pa rin niya ako at sinamahan sa dizon high upang mag-enrol. Pagkatapos ng dalawang taon na tumigil ako ay naging eksayted muli akong mag-aral at makakilala ng bagong mga kaibigan.


ito ang larawan ng nagpikturan kaming mabarkada
            Nang ako ay makapag- aral ulit bilang isang third year ay nagsikap ako ng husto at nangakong anuman ang mangyari makakatapos na ako sa third year. At sa wakas, hindi ako nabigo. Nalampasan ko ang third year na naging simula rin noon ng pagkakamali ko at pagkawala ng tiwala ko sa aking sarili. Ngayon ay Fourth year na ako na nangangakong anuman ang mangyari ay makakapagtapos  ng hayskul. Nawala man ang aking ina na dapat ay pag aalayan ko ng aking diploma, ngunit alam kong nandiyan pa rin siya sa aking tabi at nagbabantay sa bawat laban ko sa aking buhay. Nandiyan din ang aking ate at iba ko pang kapatid na pinagkukunan ko ng aking lakas at inspirasyong magtagumapay at makatapos sa pag-aaral. Nandiyan din ang mga pamangkin kong sina Jurish, Remuel, russel, Raprap, Jerick, Jessica at Joyce na balang araw ay mabibigyan ko rin ng inspirasyon at pag-asa sa buhay na ang kanilang tito man ay minsan ng nawalan ng pag-asa ay nanatili pa rin matatag at lumalaban sa hamon ng buhay.

           Minsan man akong naligaw ng landas ay balang araw ay magiging matagumpay pa rin ako. Sana sa aking simpleng kwento ay mabigyan ko kayo ng kaunting inspirasyon.

          Salamat po..

                                                                 
                                                                                                      Rodney Alcantara
                                                                                                                   4-J

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento